ANG KALUPI ni Benjamin P. Pascual Mataas na ang araw nang lumabas si Aling Marta sa bakuran ng kanilang maliit na barungbarong. Aliwalas ang kanyang mukha, sa kanyang lubog na mga mata na bahagyang pinapagdilim ng kanyang malalagong kilay ay nakakintal ang kagandahan ng kaaya-ayang umaga. Araw ng pagtatapos ng kanyang anak na dalaga; sa gabing iyon ay tatanggapin nito ang diploma bilang katunayang natapos niya ang anim na taong inilagi sa elementarya. Ang sandaling pinakahihintay niya sa mahaba-haba rin namang panahon ng pag-aaral ay dumating na. Mamimili si Aling Marta, bitbit ng isang kamay ang isang sisidlan ng kanyang pamimilhing uulamin. Habang nasa daan ay mataman niyang iniisip ang mga bagay na kanyang pamimilhin. Hindi pangkaraniwang araw ito at kailangang magkaroon silang maganak ng hindi pangkaraniwang pananghalian. Bibili siya ng isang matabang manok, isang kilong baboy, gulay na panahog at dalawang piling saging. Mag-iikasiyam na nang dumating siya at ang palengke ay siksikan. Nang dumating siya sa gitnang pasilyo at umakmang hahakbang papasok, ay siyang paglabas ng humahangos na batang lalaki, at ang kanilang pagbabangga ay muntik na niyang ikabuwal. Ang siko ng bata ay tumama sa kanyang dibdib. “Ano ka ba?” bulyaw ni Aling Marta. “Kaysikip na ng daraanan ay patakbo ka pa kung lumabas!” Ang bata ay nakapantalon ng maruming maong at nakasuot ng libaging kamiseta, punit mula sa balikat hanggang pusod, na ikinalitaw ng kanyang butuhan at maruming dibdib. Natiyak ni Aling Marta na ang bata ay anak-mahirap. “Pasensya na kayo, Ale” ang sabi ng bata. Hawak nito ang isang maliit na bangus. Ang bata ay takot na nakatingin sa kanya. “Hindi ko ho sinasadya. Nagmamadali ho ako, e.” “Pasensya!” – sabi ni Aling Marta. “Kung lahat ng kawalang-ingat mo’y pagpapasensyahan nang pagpapasensyahan ay makakapatay ka ng tao.” Marahas ang kanyang pagkakapagsalita sa bata. Agad siyang tumalikod at tuloy-tuloy na pumasok. Dumating siya sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng ilang kartong mantika. Pagkaraan ay dumukot sa bulsa upang magbayad. Saglit na nangulimlim ang kanyang mukha ng wala ang kanyang kalupi. Napansin ng kaharap ang kanyang anyo. “Bakit ho?” ang sabi ng tindera. “E. . . e, nawawala ho ang aking pitaka”, sagot ni Aling Marta. “Naku, e magkano ho naman ang laman?” ang muling tanong ng tindera. “E, sandaan at sampung piso ho”, tugon ni Aling Marta. Nanatili siya sa pagkakatayo nang ilang saglit, nag-iisip ng mga nakaraang pangyayari. Mayamaya ay parang kidlat na gumuhit sa kanyang alaala ang gusgusing batang kanyang nakabangga. Dali-dali siyang tumalikod at patakbong hinanap ang bata. Sa labas, sa harap ng palengke ay nakatayo ang bata sa harap ng isang bilao ng kangkong. Maliksi siyang lumapit at binatak ang bata sa leeg. “Nakita rin kita!” ang sabi niyang humihingal. “Ikaw ang dumukot sa pitaka ko ano? Huwag kang magkakaila!” Tiyakan ang kanyang pagkakasalita ngunit ang bata ay mahinahong sumagot: “Ano hong pitaka? Wala ho akong kinukuha sa inyong pitaka.” “Anong wala!” pasinghal na sabi ni Aling Marta. “Ikaw nga ang dumukot ng pitaka ko at wala ng iba. Kunwari pa’y binangga mo ‘ko kanina, ano ha? Magaling, magaling ang sistema ninyong iyan. Kikita nga kayo rito sa palengke!”
Marami nang nakapaligid sa kanila, mga batang nagtitinda, lalaki at babaeng namimili. Hinigpitan ni Aling Marta ang pagkakahawak sa leeg ng bata at ito’y pilit na iniharap sa karamihan. “Halika, sumama ka sa akin”, pautos na sabi ni Aling Marta. “Bakit ho, saan ninyo ako dadalhin?” “Saan sa akala mo?” sabi ni Aling Marta at pinisil ang leeg ng bata. “Ibibigay kita sa pulis. Ipabibilanggo kita kapag ‘di mo inilabas ang dinukot mo sa akin.” Pilit na nagwawala ang bata; ipinamulsa niya na ang hawak na bangus upang dalawahing-kamay ang pag-alis ng mga daliri ni Aling Marta sa pagkakasakal sa kanyang leeg. May luha nang nakapinta sa kanyang mga mata at ang uhog at laway ay sabay na umaagos sa kanyang leeg. Buhat sa likuran ng mga manonood ay lumapit ang isang pulis na tanod at sinimulan ni Aling Marta ang pagsusumbung. Tiningnang matagal ng pulis ang bata – ang maruming saplot nito at ang nagmamapa sa duming katawan, pagkatapos ay sinimulan na siyang kapkapan. Tuluyan ng umiyak ang bata. Sa bulsa nito ay lumabas ang isang maruming panyolito na basa ng uhog, diyes sentimos at ang mga tigbebenteng bangus. “Natitiyak ho ba ninyong siya ang dumukot ng inyong pitaka?” ang tanong ng pulis kay Aling Marta. “Siya ho at wala ng iba,” ang sagot ni Aling Marta. “Saan mo dinala ang dinukot mo sa aleng ito?” mabalasik na tanong ng pulis sa bata. “Magsabi ka ng totoo, kung hindi ay dadalhin kita.” “Wala ho akong dinukot na maski ano sa kanya, “sisiguk-sigok na sagot ng bata. “Maski kapkapan ninyo ako nang kapkapan e wala kayong makukuha sa akin. Hindi ho ako mandurukot.” “Maski kapkapan!” sabad ni Aling Marta. “Ano pa ang kakapkapin namin sa iyo kung ang pitaka ko e naipasa mo na sa kapwa mo mandurukot! Naku, ang mabuti ho yata, mamang pulis, e ituloy na natin iyan sa kulungan. Baka roon matakot iyan at magsabi ng totoo. Tumayo ang pulis, “Hindi ho natin madadala ito ng walang ebidensya. Kinakailangang kahit papaano’y magkaroon tayo ng maihaharap na katibayang siya nga ang dumukot ng iyong pera. Papaano ho kung hidi siya?” “E, ano pang ebidensya ang hinahanap mo? Sinabi nang binangga akong sadya, at naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking bulsa. Ano pa?”, ang sabi ni Aling Marta. Sa bata nakatingin ang pulis na wari’y nag-iisip ng dapat niyang gawin, maya-maya’y dumukot siya ng lapis at isang maliit na kwaderno sa kanyang bulsa. “Ano ang pangalan mo?“, ang tanong niya sa bata. “Andres Reyes po.” “Saan ka nakatira?”, Ang muling tanong ng pulis. Lumingon ang bata sa kanyang paligid, inisa-isa ang mga mukhang nakatingin sa kanya. “Wala ho kaming bahay,” ang sagot. “Ang tatay ko ho e may sakit at kami ho, kung minsan, ay sa bahay ng Tiyang Ines ko nakatira. Pero hindi ko ho alam ang kalye at numero ng bahay dahil sa noong makalawa lang kami lumipat at saka hndi ho ako marunong bumasa e. Inutusan nga lang ho niya akong bumili ng ulam para mamayang tanghali.” Lumalaon ay dumarami na ang tao sa kanilang paligid. “Ang mabuti ho yata e dalhin na natin iyan kung dadalhin”, ang sabi ni Aling Marta. “Pinagkakaguluhan lamang yata tayo
ng mga tao rito ay wala namang nangyayari. Kung hindi mo naman kaya ay sabihin mo lang at tatawag ako ng ibang pulis.” “Hirap sa inyo ay sabad kayo ng sabad!” sabi ng pulis. “Buweno, kung gusto mong dalhin ngayon din ang batang ito, pati kayo ay sasama sa akin. Doon sabihin mo ang gusto mong sabihin at doon mo gawin ang gusto mong gawin.” Inakbayan niya ang bata at sa harap ng outpost huminto ang pulis. “Maghintay kayo rito sandali at tatawag lang ako sa kuwartel para pahalili”, ang sabi ng pulis. Tanghali na; ilan-ilan na lamang ang nakikita niyang pumapasok sa palengke. Iniisip niya kung ilang oras pa ang kinakailangan niyang ipaghintay bago siya makauwi. Naalala niya ang kanyang anak na dalagang magtatapos at ang kanyang asawa na naiinip na sa paghihintay. Sumiklab ang kanyang poot at biglang hinawakan ang bata sa isang bisig, at sa pagdidilim ng kanyang paningin ay pabalinghat niyang pinilit sa likod nito. Napahiyaw ang bata sa sakit; ang bisig nito ay halos napaabot ni Aling Marta sa kanyang balikat sa likod. Ang kaliwang kamay ni Aling Marta ay pakabig na nakapaikot sa baba ng bata at nang mailapit sa kanyang bibig ay buong panggigigil na kinagat. Hindi niya gustong tumakbo, halos mabali ang kanyang siko; ang nais lamang niya ay makaalpas sa matitigas na bisig ni Aling Marta. Humanap siya ng malulusutan at nang makakita ay walang lingun-lingon na tumakbo patungo sa ibayo nang maluwag na daan. Bahagya niyang narinig ang sigaw ni Aling Marta at ang sumunod na tilian ng mga babae; bahagya ng umabot sa kanyang pandinig ang malakas na busina ng ilang humahagibis na sasakyan. Sa ilang sandali ay nagdilim sa kanya ang buong paligid at sa pagmulat muli ng kanyang paningin ay wala siyang nakita kundi ang kanyang lupaypay at duguang katawan. Hindi umimik si Aling Marta habang minamasdan ang bata. Malamig na pawis ang gumigiti sa kanyang noo at ang tuhod niya ay parang nangangalog. Ang kalahati ng katawan ng bata, sa dakong ibaba, ay natatakpan ng diyaryo at ang gulanit niyang kasuotan ay tuluyan ng nawala sa kanyang katawan. Makailang sandali pa, pagdating ng pulis ay pamuling nagmulat ang bata ng paningin at ang mga mata ay nakatitig sa maputlang mukha ni Aling Marta. “Maski kapkapan ninyo ako, e, wala kayong makukuha sa akin,” ang sabing paputolputol na nilalabasan ng dugo sa ilong. “Hindi ko kinuha ang inyong pitaka.” Ilang sandali pa ay lumungayngay ang ulo nito at nang pulsuhan ng isang naroroon ay marahan itong napailing. Patay na ang bata. “Patay na ang dumukot ng pera ninyo,” ang sabi ng pulis kay Aling Marta. “Siguro’y matutuwa na kayo niyan.” “Sa palagay kaya ninyo e may sasagutin ako sa nangyari?” ang tanong ni Aling Marta. “Wala naman, sa palagay ko”, ang sagot ng pulis. “Kung may mananagot diyan ay walang iba kundi ang pobreng tsuper. Wala rin kayong sasagutin sa pagpapalibing. Tsuper na rin ang mananagot niyan.” Umalis si Aling Marta na tuwid ang tinging lumalayo sa karamihan. Para pa siyang nanghihina at magulong-magulo ang kanyang isipan. Biglang naalala niya ang kanyang anak na ga-graduate, ang ulam na dapat niyang iuwi na, at ang nananalim, nangungutyang mga mata ng kanyang asawa sa sandaling malaman nito ang pagkawala ng pera. Katakut-takot na gulo at kahihiyan, sa loob-loob ni Aling Marta, at hindi sinasadya ay muling bumaling sa bangkay ng bata na natatakpan ng diyaryo, na siyang pinagmulan ng lahat. “Kung hindi sana sa tinamaan ng lintik na iyon ay hindi ako masusuot sa suliraning ito”, usal niya sa sarili. “Mabuti nga sa kanya!”
Kinakailangan niyang kumilos, umisip ng paraan. Kinakailangang kahit papaano’y makapag-uwi siya ng ulam sa pananghalian kaya nangutang siya ng pera sa tindahan ni Aling Gondang. Tanghali na nang siya ay umuwi. Sa daan pa lamang ay natanaw na niya ang kanyang anak na dalaga na nakapamintana sa kanilang barung-barong. Nakangiti ito at siya ay minasdan, ngunit nang malapit na siya at nakita ang dala ay napangunot-noo, lumingon sa loob ng kabahayan at may tinawag. Sumungaw ang payat na mukha ng kanyang asawa. “Saan ka kumuha ng ipinamili mo niyan, Nanay?” ang sabi ng kanyang anak na gagraduate. “E. . . e,” hindi magkandatutong sagot ni Aling Marta. “Saan pa kundi sa aking pitaka.” Nagkatinginan ang mag-ama. “Ngunit, Marta,” ang sabi ng kanyang asawa. “Ang pitaka mo e naiwan mo! Kaninang bago ka umalis ay kinuha ko iyon sa bulsa ng iyong bestidang nakasabit at kumuha ako ng pambili ng tabako, pero nakalimutan kong isauli. “Saan ka ba kumuha ng ipinamili mo niyan?” Biglang-bigla, nagbalik sa gunita ni Aling Marta ang larawan ng isang batang payat, duguan ang katawan at natatakpan ng diyaryo, at para niyang narinig ang mahina at gumagaralgal na tinig nito: “Maski kapkapan ninyo ako, e wala kayong makukuha sa akin.” Saglit siyang natigilan sa pagpanhik sa hagdanan; para siyang pinangangapusan ng hininga at sa palagay ba niya ay umiikot ang buong paligid; at bago siya tuluyang mawalan ng ulirat ay wala siyang narinig kundi ang papanaog na yabag ng kanyang asawa’t anak, at ang papaliit at lumalabong salitang: Bakit kaya? Bakit kaya?