1Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios. 2Ito rin nang pasimula'y sumasa Dios. 3Ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya; at alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala siya. 4Nasa kaniya ang buhay; at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao. 5At ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman; at ito'y hindi napagunawa ng kadiliman.
6Naparito ang isang tao, na sugong mula sa Dios, na ang kaniyang pangalan ay Juan. 7Ito'y naparitong saksi, upang kaniyang patotohanan ang ilaw, upang sa pamamagitan niya'y magsisampalataya ang lahat. 8Hindi siya ang ilaw, kundi pumarito upang kaniyang patotohanan ang ilaw.
9Nagkaroon ng tunay na ilaw, sa makatuwid baga'y ang ilaw na lumiliwanag sa bawa't tao, na pumaparito sa sanglibutan. 10Siya'y nasa sanglibutan, at ang sanglibuta'y ginawa sa pamamagitan niya, at hindi siya nakilala ng sanglibutan. 11Siya'y naparito sa sariling kaniya, at siya'y hindi tinanggap ng mga sariling kaniya. 12Datapuwa't ang lahat ng sa kaniya'y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan: 13Na mga ipinanganak na hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao, kundi ng Dios.
14At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan. 15Pinatotohanan siya ni Juan, at sumigaw, na nagsasabi, Ito yaong aking sinasabi, Ang pumaparitong nasa hulihan ko ay magiging una sa akin: sapagka't siya'y una sa akin. 16Sapagka't sa kaniyang kapuspusan ay nagsitanggap tayong lahat, at biyaya sa biyaya. 17Sapagka't ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang kautusan; ang biyaya at ang katotohanan ay nagsidating sa pamamagitan ni Jesu-cristo. 18Walang taong nakakita kailan man sa Dios; ang bugtong na Anak, na nasa sinapupunan ng Ama, siya ang nagpakilala sa kanya.
19At ito ang patotoo ni Juan, nang suguin sa kaniya ng mga Judio mula sa Jerusalem ang mga saserdote at mga Levita upang sa kaniya'y itanong, Sino ka baga? 20At kaniyang ipinahayag, at hindi ikinaila; at kaniyang ipinahayag, Hindi ako ang Cristo. 21At sa kaniya'y kanilang itinanong, Kung gayo'y ano nga? Ikaw baga'y si Elias? At sinabi niya, Hindi ako. Ikaw baga ang propeta? At siya'y sumagot, Hindi. 22Sinabi nga nila sa kaniya, Sino ka baga? Upang ibigay namin ang kasagutan sa nangagsugo sa amin. Ano ang sinasabi mo tungkol sa iyong sarili? 23Sinabi niya, Ako ang tinig ng isang humihiyaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias.
24At sila'y sinugo buhat sa mga Fariseo. 25At sa kaniya'y kanilang itinanong, at sinabi sa kaniya, Bakit nga bumabautismo ka, kung hindi ikaw ang Cristo, ni si Elias, ni ang propeta? 26Sila'y sinagot ni Juan, na nagsasabi, Ako'y bumabautismo sa tubig: datapuwa't sa gitna ninyo'y may isang nakatayo na hindi ninyo nakikilala, 27Siya nga ang pumaparitong sumusunod sa akin, na sa kaniya'y hindi ako karapatdapat magkalag ng panali ng kaniyang pangyapak. 28Ang mga bagay na ito'y ginawa sa Betania, sa dako pa roon ng Jordan, na pinagbabautismuhan ni Juan.
29Nang kinabukasan ay nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kaniya, at sinabi, Narito, ang Cordero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan! 30Ito yaong aking sinasabi, Sa hulihan ko'y dumarating ang isang lalake na magiging una sa akin: sapagka't siya'y una sa akin. 31At siya'y hindi ko nakilala; datapuwa't upang siya'y mahayag sa Israel, dahil dito'y naparito ako na bumabautismo sa tubig. 32At nagpatotoo si Juan, na nagsasabi, Nakita ko ang Espiritu na bumababang tulad sa isang kalapati na buhat sa langit; at dumapo sa kaniya. 33At siya'y hindi ko nakilala; datapuwa't ang nagsugo sa akin upang bumautismo sa tubig, ay siyang nagsabi sa akin, Ang makita mong babaan ng Espiritu, at manahan sa kaniya, ay siya nga ang bumabautismo sa Espiritu Santo. 34At aking nakita, at pinatotohanan kong ito ang Anak ng Dios.
35Nang kinabukasan ay muling nakatayo si Juan, at ang dalawa sa kaniyang mga alagad; 36At kaniyang tiningnan si Jesus samantalang siya'y naglalakad, at sinabi, Narito, ang Cordero ng Dios! 37At narinig siyang nagsalita ng dalawang alagad, at sila'y nagsisunod kay Jesus. 38At lumingon si Jesus, at nakita silang nagsisisunod, at sinabi sa kanila, Ano ang inyong hinahanap? At sinabi nila sa kaniya, Rabi (na kung liliwanagin, ay Guro), saan ka tumitira? 39Sinabi niya sa kanila, Magsiparito kayo, at inyong makikita. Nagsiparoon nga sila at nakita kung saan siya tumitira; at sila'y nagsitirang kasama niya nang araw na yaon: noo'y magiikasangpu na ang oras. 40Ang isa sa dalawang nakarinig ng pagsasalita ni Juan, at sumunod sa kaniya, ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. 41Una niyang nasumpungan ang kaniyang sariling kapatid na si Simon, at sa kaniya'y sinabi, Nasumpungan namin ang Mesias (na kung liliwanagin, ay ang Cristo). 42Siya'y kaniyang dinala kay Jesus. Siya'y tiningnan ni Jesus, at sinabi, Ikaw ay si Simon na anak ni Juan: tatawagin kang Cefas (na kung liliwanagin, ay Pedro).
43Nang kinabukasan ay pinasiyahan niyang pumaroon sa Galilea, at kaniyang nasumpungan si Felipe: at sa kaniya'y sinabi ni Jesus, Sumunod ka sa akin. 44Si Felipe nga ay taga Betsaida, sa bayan ni Andres at ni Pedro. 45Nasumpungan ni Felipe si Natanael, at sinabi sa kaniya, Nasumpungan namin yaong isinulat ni Moises sa kautusan, at gayon din ng mga propeta, si Jesus na taga Nazaret, ang anak ni Jose. 46At sinabi sa kaniya ni Natanael, Mangyayari bagang lumitaw ang anomang magaling na bagay sa Nazaret? Sinabi sa kaniya ni Felipe, Pumarito ka at tingnan mo. 47Nakita ni Jesus si Natanael na lumalapit sa kaniya, at sinabi ang tungkol sa kaniya, Narito, ang isang tunay na Israelita, na sa kaniya'y walang daya! 48Sinabi sa kaniya ni Natanael, Saan mo ako nakilala? Si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya, Bago ka tinawag ni Felipe, nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos, ay nakita kita. 49Sumagot si Natanael sa kaniya, Rabi, ikaw ang Anak ng Dios; ikaw ang Hari ng Israel. 50Si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya, Dahil baga sa sinabi ko sa iyo, Kita'y nakita sa ilalim ng puno ng igos, kaya ka sumasampalataya? makikita mo ang mga bagay na lalong dakila kay sa rito. 51At sinabi niya sa kaniya, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Dios na nagmamanhik-manaog sa ulunan ng Anak ng tao.